Linggo, Marso 25, 2012

Bagong Simula

Kahapon lamang kasama kita. Akala ko hanggang sa pagsikat ng araw ay kadaupang-palad ka pa. pero tulad ng isang lumang bagay na dapat na lang manatili sa nakatakda nitong taguan, ang eksistensya mo pala ay kasama na sa nakaraan.

Isang bagong panimula. Kumbaga ay pagbalik sa kawalan. At mula dito ay maaari nang bumuo ng panibagong pangyayari, pagkakataon na di dapat palagpasin, dahil bawat segundo ay mahalaga.

Isang bagong papel ang nakalatag sa aking harapan. Ang paningin ko naman ay lumipat sa isang panulat na ngayon ko lamang nakamtan. Nakakalito ang pagbabagong ito. Gaya nga ng isang papausbong pa lang na halaman, inaabangan ito matapos ang mahabang panahon ng pagdidilig na dito lamang inilaan.

Di naman masama ang magsimula. Ang pagkatuto ay dulot ng nakalipas. Ang dapat gawin ngayon ay kumilos at ang mga bagay na sa akin ay kanina pa nakatunghay ay marapat nang hawakan at gamitin upang masimulan na ang dapat simulan.

Nakakaramdam ako ng kakaibang sigla. Isang saya na sa puso ng bagong manunulat nagmumula. Ang kapanganakan ko ay ang pagkawalay sa nakalipas. Ang pagsisimulang ito ay handog nang nakapaligid na apoy at kauhawan sa bagong pagkatuto.

Tara. Samahan mo ako.

Nais ko lamang na buhayin ang matagal nang inakala kong pagkamatay nang isang manunulat na hanggang ngayon ay di pa inaangat ang panulat at ang papel na hindi pa nadadampian ng kanyang mga palad.

Kadiliman. Liwanag.

Bigla akong nagsulat.

Lumangpapel

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento